Basahin ang bawat pahayag na bahagi ng isang tekstong persuweysiv. Tukuyin kung anong paraan ng panghihikayat ang ginamit. Piliin kung ito ethos, pathos, o logos.
- Mga Boss, nanggaling tayo sa sitwasyon kung saan tila nababalot ng kadiliman ang ating bansa; ni hindi natin masigurong may liwanag pang paparating. Binabati na tayo ng bukang-liwayway ng katarungan at pagkakataon.
Nakita naman ninyo ang mga naabot natin. Narinig ninyo ang kuwento ng kapwa natin Pilipinong pinatunayan ang kayang maabot gamit ang sariling lakas, ang pagbabayanihan, ang hindi pag-uunahan, ang pag-aambagan tungo sa katuparan ng kolektibo nating mga adhikain. Ngayon, taas-noo na tayong humaharap sa buong mundo at nasasabing, "Kaya ko. Kaya ng Pilipino. Simula pa lang ito." [Palakpakan]
Opo, simula pa lang ito. Simula pa lang ng isang bansang hindi mapapayuko, bagkus ay nagiging huwaran ng paninindigan sa buong mundo. Simula pa lang ng ginhawang bunga ng kalayaan mula sa katiwalian.
Simula pa lang ng lipunan kung saan ang bawat Pilipino, kung magbabanat ng buto, kung gagawin ang tama, ay tiyak na aasenso. Simula pa lang ito, at hinahamon tayo ng kasaysayang diligan ang transpormasyon, upang magbunga ito ng mas marami pang pagkakataon para sa mga susunod na salinlahi.
Simula pa lang ito. [Palakpakan] Nasa unang yugto pa lang tayo ng dakilang kuwento ng sambayanang Pilipino. Sa gabay ng Panginoong Maykapal, at sa patuloy nating pagtahak sa Daang Matuwid, lalo pang tatayog ang mga pangarap na maaabot natin. Lalo pang lalawak ang kaunlarang tinatamasa natin. Nasasainyo pong mga kamay ang direksiyom natin.
- mula sa State of the Nation Address 2015 ni Pangulong Benigno Aquino III